DAGUPAN CITY- Hindi pa masabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) Region 1 na lumalala ang mga kaso ng child labor sa rehiyon.

Ayon kay Exequiel Ronnie Guzman, Director ng naturang ahensya, ang tanging nakikita nilang ugat nito ay ang kahirapan.

Aniya, hindi naman intensyon na maging biktima ng child labor ang mga bata subalit, dulot ng kahirapan ay napipilitan ang mga ito na magtrabaho.

--Ads--

Karamihan sa mga naitatala nilang may pagkakasangkot sa child labor ay ang tobacco industry ngunit, sa kasalukuyan ay matagumpay na nila itong nasugpo. May ilan naman silang nakitaan sa construction at quarrying.

Sinabi naman ni Guzman na mahaharap sa kasong ‘crimes against child labor’ o ‘violence against chidren and women’ ang sinumang lalabag sa naturang batas.

Bilang kawani ng gobyerno, may kapangyarihan sila na isara ang isang negosyo na sangkot sa child labor.

Maaari rin nilang ilapit ito sa local government unit (LGU) upang ipasara ang lumabag na negosyo.

Bibigyan naman nila ng suporta ang mga bata na sangkot sa nasabing ilegalidad, psychological assistance man o custodial assistance.

Panawagan naman nila sa gobyerno na paigtingan pa ang pagpapakalap ng impormasyon hinggil sa paglaban sa child labor.

Samantala, nagtutuon sila ngayon sa pamamahagi ng livelihood assistance sa mga lugar, lalo na sa mga liblib, upang masuportahan ang mga nasa laylayan.

Nakikipag-ugnayan sila sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamahagi ng nasabing tulong at mabantayan at matuldukan ang child labor.