Niyanig ng lindol na may lakas na 6.1 magnitude ang Peru na ikinamatay ng isang katao at ilan ang nasugatan dahil sa pagguho ng lupa.

Sinabi ni Police Colonel Ramiro Clauco na isang 36-taong gulang na lalaki ang namatay sa hilagang bahagi ng Lima habang nakatayo sa labas ng kanyang sasakyan habang naghihintay ng pasahero.

Ayon sa United States Geological Survey (USGS), naganap ang lindol 11:35 ng umaga (16:35 GMT) lokal na oras sa Karagatang Pasipiko, na ang epikentro ay nasa 23 km (14 milya) sa hilaga-kanluran ng Callao, isang bayan sa pantalan na nasa kanluran ng kabisera na Lima.

--Ads--

Agad na bumiyahe si pangulong Dina Boluarte papuntang Callao upang imonitor ang baybayin kasunod ng pagyanig.

Ang lindol ay nagdulot din ng suspensyon sa isang pangunahing laro ng football na ginaganap sa Lima.

Ang Peru ay tahanan ng 34 milyong tao at nasa ibabaw ito ng tinatawag na Ring of Fire.

Kada taon, umaabot sa hindi bababa sa 100 na lindol ang nararanasan sa Peru.

Ang huli at malaking lindol ay naranasan noong 2021 sa rehiyon ng Amazon na may lakas na 7.5 na magnitude.

Noong 1970, pumatay ng humigit-kumulang 67,000 tao ang lindol sa hilagang bahagi ng Ancash sa Peru.