DAGUPAN CITY- Mga Kabombo! Aminin man natin o hindi, magaganda talaga ang mga artwork sa isang museo.

Minsan, dahil sa ganda nito ay gusto natin itong subukang gamitin.

Iyan kasi ang ginawa nang isang turista ang nakuhanan ng CCTV habang nasisira ang isang mamahaling art piece matapos itong upuan sa isang art gallery sa Verona, Italy.

--Ads--

Ang nasirang upuan ay tinaguriang “Van Gogh” chair, ay likha ng Italian artist na si Nicola Bolla at gawa mula sa daan-daang piraso ng Swarovski crystals.

Ipinapamalas nito ang malikhaing pag-alala sa kilalang Dutch painter na si Vincent van Gogh, at naka-display sa prestihiyosong Palazzo Maffei.

Ayon sa ulat, kasama ng lalaki ang isang babae habang pinipilit nitong kumuha ng larawan.

Sa simula’y nagpapanggap lamang ang lalaki na uupo sa upuan, ngunit makikita sa security footage na tuluyan niya itong inupuan.

Agad namang bumigay ang antigong upuan, at nawalan ng balanse ang lalaki, pilit na kumakapit sa pader upang hindi matumba.

Tinulungan siya ng kanyang kasama na makabangon, ngunit imbes na isumbong ang insidente, mabilis silang umalis sa silid na tila walang nangyari.

Agad namang naglabas ng pahayag ang pamunuan ng museo sa kanilang social media, at ibinahagi ang footage ng pangyayari.

Dagdag pa ng museo, layunin nilang gamitin ang insidente upang magsimula ng kampanya sa pagpapahalaga at paggalang sa sining.