DAGUPAN CITY- Itinuturing pa rin ng Bagong Alyansang Makabayan na positibong update ang pag-usad ng karagdagang P200 sa sahod ng mga manggagaawa subalit, hindi pa ito pasok sa nakabubuhay na sahod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Raymond De Vera Palatino, secretary general ng nasabing grupo, umaabot sa mahigit P1,200 minimum wage ang kinakailangan ng isang pamilya para maging sapat sa araw-araw na gastusin.

Aniya, ipagpapatuloy pa rin nila ang pagtulak sa mga awtoridad na mas taasan pa ang sahod ng mga manggagawa.

--Ads--

Subalit, hindi pa tiyak ang nasabing pagtaas dahil kailangan pa itong dumaan sa senado hanggang sa lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Gayunpaman, ikinababahala ni Palatino ang dere-deretsong pagtutol ni Pangulong Marcos sa legislated wage increase.

Kung ipapasakamay man ng Pangulo sa Regional Wage Tripartite Board ang naturang wage increase, hindi pa rin magkakapantay ang sahod sa probinsya at Metro Manila, bagay na hindi nakasasabay sa pagtaas ng mga bilihin.

At hindi rin magdudulot ng ginhawa sa mga manggagawa ang kamakailang cabinet revamp ni Pangulong Marcos kung mananatiling anti-labor at anti-poor ang framework ng polisiyang sinusunod ng pamahalaan.

Ayon pa ay Palatino, gaganda lamang ang kalagayan ng paggawa sa bansa kung ipapantay ang tamang pasahod sa pagtaas ng produktibo.

Dapat din na kayang makipagsabayan ng sahod sa pagtaas ng mga bilihin, lalo na sa merkado.

Bukod pa riyan ay ang magandang serbisyo mula sa pamahalaan.