DAGUPAN CITY- Mga Kabombo! Malihig ka bang magswimming?
Ano ang gagawin mo kapag may nakitang buwaya sa iyong swimming pool?
Dalawang insidente ng pagsalakay ng buwaya sa mga residential pool ang naitala sa loob lamang ng isang araw sa Martin County, Florida, ayon sa ulat ng Martin County Sheriff’s Office.
Sa isang video na ibinahagi sa social media, makikitang sina Deputy Dawn Ferris at Sgt. Crystal Nash, kasama ang propesyonal na buwaya trapper na si Matt Hines, ay nagtulungan upang ligtas na alisin ang isang 7-talampakang buwaya mula sa isang swimming pool sa Pinecrest Lakes, Jensen Beach.
Ayon sa caption, ang tinaguriang “party crasher” ay tila walang pakialam sa mga nanonood sa paligid.
Paalala ng mga awtoridad, kasalukuyang panahon ng mating season ng mga buwaya kaya mas aktibo at mapangahas ang mga ito.
Maaaring pumunta sila sa mga lugar na hindi karaniwang pinupuntahan, gaya ng mga bakod na bakuran.
Pinaniniwalaang ang buwaya ay nakalusot sa ilalim o nakaakyat sa bakod, dahilan upang makapasok sa pool area.
Pinaalalahanan ng sheriff’s office ang publiko na maging mapagmatyag at mag-ingat, lalo na ngayong mas aktibo ang mga buwaya sa kanilang paghahanap ng kapareha.