Dagupan City – ‎Wala ng buhay nang matagpuan ang isang babaeng palutang-lutang sa tubig malapit sa Cayanga Bridge sa bayan ng San Fabian, Pangasinan pasado alas-diyes ng umaga kahapon.

Ayon kay Police Captain Leoffrey Sapi, deputy chief ng San Fabian Police, isang concerned citizen ang nagbigay ng impormasyon hinggil sa natagpuang bangkay sa ilog. Agad namang rumesponde ang mga awtoridad sa lugar.

Nakita ang babae na suot ang kulay asul na damit, blue jeans, at asul din na sapatos. Kaagad na nakipag-ugnayan ang pulisya sa Municipal Health Officer upang matukoy ang sanhi ng pagkakasawi ng biktima.

Sa paunang pagsusuri, walang indikasyon ng foul play, at posibleng nalunod ang biktima batay sa pisikal na kondisyon nito.

Nagpalabas na ng flash alarm ang PNP para mapabilis ang pagkakakilanlan ng babae.

Habang patuloy rin ang panawagan ng mga awtoridad sa publiko na makipag-ugnayan sa kanilang himpilan kung may impormasyon tungkol sa pagkakakilanlan ng biktima upang maipabatid ito sa kanyang pamilya.

--Ads--