DAGUPAN CITY- Hindi ramdam ng mga konsyumer ang ipinataw na Maximum Suggested Retail Price (MSRP) para sa pagbaba ng presyo ng karne ng baboy dahil sa mga namamantala.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jayson Cainglet, Executive Director ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), itinataas ng mga retailer ang kanilang presyo dahil mataas din naman umano nila itong nakuha sa mga byahero.

Aniya, nagiging matumal na ang bentahan ng mga retailer bunsod ng mataas na presyo, kung saan sumisipa na ito ng lagpas P400.

--Ads--

Kaya karamihan sa mga consumer ay lumilipat na ng ibang klase ng karne bilang pinagkukuhanan ng protina.

Hiling naman ni Cainglet na dapat lamang makasuhan ang mga namamantala upang maipakita ang seryosong paglaban sa mga kaso ng profiteering.

Maging ang mga hog raisers ay nananawagan sa pagsunod sa nakasunduang presyo upang makabili ng naturang karne ang mga consumer.

Maliban pa riyan, umaasa naman ang SINAG na dadating na sa mga susunod na buwan ang bakuna para labanan ang African Swine Fever (ASF) upang hindi na rin maapektuhan ang suplay ng mga baboy.

Samantala, umaasa rin si Cainglet na tuloy-tuloy ang recovery ng mga poultry raiser laban sa Bird Flu.

Ito ay upang may pagpipilian pa rin ang mga consumer sa iba’t ibang klase ng karne.