DAGUPAN CITY- Nakaranas ng pagbagsak ng mga maliliit na butil ng yelo o hailstorm ang ilang parte ng Pangasinan gaya sa bayan ng Manaoag kasabay ng pagbuhos ng malakas na ulan.

Ayon kay Engr. Jose Estrada Jr., ang chief Meteorologist ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration o PAGASA Dagupan City na posibleng epekto ito ng thunderstorm dahil sa mainit na temperatura.

Aniya, normal lamang ang ganitong kaganapan sa mga ganitong panahon lalo na kapag sumasapit ang buwan ng may maalinsangang panahon gaya ng Marso hanggang Mayo ngunit may mangilan-ngilan din sa buwan ng Pebrero.

--Ads--

May posibilidad pa aniyang maulit ang pagkakaroon ng hailstorm sa ilang lugar dahil nakakaranas parin ng mainit na temperatura at kapag magkaroon muli ng makakapal na ulap na mayroong mababang pressure.

Sa kanilang tala, nakaranas na din aniya noong nakaraang taon ang ilang lugar gaya ng Camiling sa Tarlac, La Union at sa eastern part dito sa Pangasinan gaya ng Asingan at Sta. Maria.

Bukod sa hailstorm ay maari ding maranasan ang buhawi sa mga ganitong panahon na maaring magdulot naman ng ilang masamang epekto sa tao.