Double-trouble para sa mga pasahero ng isang eroplano na nag-emergency landing sa isang alligator-infested waters o pinamumugaran ng mga buwaya sa Bolivia at na-stranded sa loob ng 36 oras.
Naganap ito matapos mawala sa radar ng Beni Department sa central Bolivia ang maliit na eroplano na sinasakyan ng 5 katao na kinabibilangan ng tatlong babae, isang bata, at ang 29 anyos na piloto.
Natagpuan na lamang sila ng mga mangingisda sa Amazonas Region ng Bolivia at nasa maayos pa rin na kalagayan.
Namataan naman ang mga buwaya na may layong hindi hihigit sa 3 metro. Pinaniniwalaan nilang hindi lamang makalapit ang mga ito dahil sa pag-leak ng gasolina ng eroplano sa katubigan.
Samantala, walang malinis na tubig ang mga survivors para pumawi ng kanilang pagod at uhaw at hindi rin naman sila makaalis sa kanilang kinaroroonan dahil sa banta ng mga buwaya.
Tanging ang cassava flour na binaon sa kanilang byahe ang kanilang kinain habang stranded sa lugar.
Nakikita naman na engine failure ang dahilan para sa kanilang paglanding habang patungo sa Trinidad. Nagmula naman sila sa Baures, sa northern Bolivia.