DAGUPAN CITY- Limang lalaki ang inaresto sa England dahil sa hinalang terorismo kaugnay ng umano’y planong pag-atake sa isang partikular na lugar, ayon sa ulat ng Metropolitan Police.

Apat sa mga naaresto ay mga Iranian nationals, dalawa sa kanila ay 29-anyos, habang ang iba ay may edad na 40 at 46. Ang ikalimang lalaki, na naaresto sa Manchester, ay kasalukuyang kinikilala pa ang edad at nasyonalidad.

Ayon sa pulisya, bahagi ito ng isang “pre-planned” o planadong counter-terror operation.

--Ads--

Lahat ng lima ay inaresto sa ilalim ng Terrorism Act o Police and Criminal Evidence Act at kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya.

Hindi pa inilalantad ang target na lugar para sa seguridad, ngunit inabisuhan na raw ito at binibigyan ng suporta ng mga awtoridad.

Patuloy ang mga pagsisiyasat sa iba’t ibang lugar sa Greater Manchester, London, at Swindon.

Ayon kay Commander Dominic Murphy ng Met’s Counter Terrorism Command, maaga pa ang imbestigasyon at patuloy ang pagtukoy sa motibo ng mga suspek at kung may banta pa sa publiko.