DAGUPAN CITY- Lalo pang sinisigurado ng Commission on Elections (Comelec) Alcala ang kaayusan at kahandaan ng itinalagang 16 polling stations o may kabuoang 43 clustered precints ngayon arw na lang ang binibilang bago ang Midterms Election 2025.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Roberto Pagdanganan, Election Officer III ng naturang tanggapan, sa May 6 ay magsasagawa na sila ng final testing at sealing ng mga Automated Counting Machine (ACM).

Aniya, dadaluhan ito ng iba’t ibang opisyal ng halalan at ilang representate ng mga kandidato at barangay officials. Maaari rin itong daluhan at masaksihan ng mga botante.

--Ads--

Tiniyak na rin nila na buong nakahanda ang 129 electoral boards at DepEd Supervisor Officer (Deso) sa May 12, lalo na sa pagtransmit ng mga boto.

Maliban pa riyan, naibigay na nila ang mga kinakailangan ng Poll Watchers upang bantayan ang magiging takbo sa nalalapit na halalan.

Nagkaroon naman sila ng occular inspections sa mga polling stations upang masiguro ang kahandaan sa anumang emerhensiya, katulad ng sapat na fire extinguisher, back-up solar lights, at generators.

Hindi na rin magiging problema ang ACM kung magkaroon ng hindi inaasahang power interuptions dahil may reserbang baterya ito na tumatagal ng 14 hours.

Samantala, tuloy-tuloy pa rin ang police force ng bayan sa pagtitiyak ng kaayusan at kaligtasan sa halalan.

Sinabi pa ni Pagdanganan na mahigpit nilang binabantayan ang mga vote-buying at maging ang tuloy-tuloy na Oplan Baklas sa mga ilegal na campaign materials.