DAGUPAN CITY- Nangunguna pa rin na problema ng mga manggagawa sa Pilipinas ang pagkakaroon ng hindi nakabubuhay na sahod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Julius Cainglet, Vice President ng Federation of Free Workers, problema pa rin sa kasalukuyan ang regional wage setting mechanism kung saan taon 1989 pa nang magkaroon ng Wage Rationalization Act at hindi na ito nasundan pa.
Kaya sa kasalukuyan ay malaki na ang pagitan ng sahod sa mga probinsya at aniya, hindi na ito makatarungan para sa mga manggagawa.
Naniniwala siya na magiging “great equalizer” sa minimum wage ng mga manggagawa kung magkaroon muli ng batas na magtataas nito.
Ikinalulungkot na lamang ng labor groups na tila hindi priority ng kasalukuyang Administrasyon ang isyu na ito.
Hanggang sa ngayon ay marami pa rin ang mga “working poor” at dadami pa ito kung hindi mabibigyan ng karamptang aksyon.
At patuloy na ipinapasa sa wage board ang talakayin ito dahil para sa pamahalaan ay hindi pa nila nakikita ang kahalagahan na pag-aralan ito.
Bagaman naririnig-rinig hanggang sa ngayon ang pagbubukas ng mga trabaho sa bansa mula sa malalaking kumpanya dulot ng mga pakikipag-usap ng pangulo sa iba’t ibang bansa ay hindi pa nila ito nakikita’t nararamdaman.
May mga nagbubukas man na mga bagong trabaho ay nauugnay naman ang ilan sa mga ito sa ilegalidad.
Kaniyang inaabangan naman na mailaan ang mga excess funds sa pagtulong sa mga maliliit na negosyo sa bansa upang makalikha pa ng mga trabaho.
Panawagan naman nila sa wage board na mapanatili na lamang sa productivity function dahil ang tungkulin nila hinggil sa sahod ay hindi na epekibo.
Maliban pa sa usapin pasahod, nakikita pa ni Cainglet na nangangailan ang karagdagang manpower sa mga trabaho na may kaugnayan sa agrikultura subalit hindi ito pinapatibay at nagkakaroon pa ng pagbagsak.
Gayunpaman, nakikita nila na ang ganitong uri ng trabaho sa bansa ay may potensyal na mabigyan ng pag-unlad upang makatulong sa mga Pilipino.
Samantala, magiging abala ang mga labor groups sa paggunita ng Labor Day sa May 1 upang magsagawa ng pagtitipon at ipanawagan ang P200 wage increase sa pamamagitan ng pagsasabatas ng National Legislated Wage Increase.
Sa umaga ay magtutungo sila sa Mendiola mula Espanya, sa Metro Manila at bago naman ang oras ng hapunan ay tutungo naman sila ng Plaza Miranda upang magkaroon ng labor vote.
Layunin nilang ipanawagan kay Pangulong Marcos na pulungin ang mga manggagawa at masertipikahan ito bilang ‘urgent’ ang taas-sahod.
Gayunpaman, wala pang katiyakan na makakapulong nila ang pangulo sa araw ng mga manggagawa.
Aniya, hindi sila mapapagod na gawin ito taon-taon hanggang sa maibigay sa mga manggagawa ang nararapat para sa kanila.
Kasabay din ng nasabing araw ang paggunita ng International Workers Memorial day para sa mga manggagawang nasawi o nagkasakit o napinsala habang nagtatrabaho.