Muling nagsagawa ng inspeksyon ang Task Force Kontra Langaw sa mga poultry farms sa bayan ng Manaoag kasunod ng mga reklamo hinggil sa muling pagdami ng langaw sa ilang bahagi ng bayan.

Naglalayon itong matiyak ang pagsunod sa mga tamang sanitation protocols sa mga establisimyento.

Kamakailan ay bumuo ang lokal na pamahalaan ng Task Force mula sa iba’t ibang tanggapan gaya ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), Municipal Agriculture Office (MAO), Sanitation Office, at Manaoag PNP.

--Ads--

Ayon sa ulat, patuloy na binabantayan at kinakausap ng lokal na pamahalaan ang mga may-ari ng mga poultry farms upang masigurong sinusunod nila ang mga tamang pamamaraan sa pag-aalaga ng mga manok at pagtatapon ng basura.

Ang mga lumalabag ay bibigyan ng kaukulang babala at maaaring maharap sa mga parusa.

Unang bumisita ang task force sa limang poultry farms sa bayan na layuning matukoy ang mga posibleng pinagmumulan ng pagdami ng langaw at bigyan ng babala ang mga may-ari ng mga manukan na lumalabag sa mga alituntunin sa kalinisan.

Nakatakda namang bisitahin ng Task Force ang natitirang mga poultry farms sa mga susunod na araw.

Samantala, ang pagkilos na ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan ng Manaoag na mapanatili ang kalinisan at kalusugan ng mga mamamayan.

Matatandaang nagkaroon na ng katulad na inspeksyon noong nakaraang taon, kung saan pansamantalang isinara ang isang poultry farm dahil sa paglabag sa mga alituntunin sa kalinisan.