Hustisya ang hiling ng mga kaanak ni Clifford Bacal, 32 anyos matapos itong pagsasaksakin at pagtulungan ng isang pamilya sa syudad ng San Carlos.

Ayon sa mga kaanak ni Bacal, naglaro sila ng basketball. Ang suspek, si Bryan Ilumin, ay natalo sa pustahan laban kay Bacal. Ngunit imbes na ipabayad ito ng biktima, pinili ni Bacal na huwag na lamang. Kaya naman ipinagtaka nila na nagalit pa rin si Ilumin at nagpunta ito sa bahay ng biktima upang hamunin ng away, ngunit hindi siya natagpuan dito.

Kaya naman ipinasabi na lamang niya na magkita sila sa harap ng Barangay Hall ng Brgy. Talang. Nagkita nga sila roon, kasama ang ilan pang kaanak ni Bacal. Hindi nagtagal, dumating din ang pamilya ni Ilumin, ang kanyang tatay, nanay, at kapatid na may dalang mga patalim at tubo. Dito na nga pinagsasaksak ni Ilumin si Bacal, na ikinagulat ng mga kaanak ng biktima, lalo na’t kung titignan ay magkakamag-anak din sila.

--Ads--

Ayon pa sa kanila, wala rin umanong nakatalagang mga opisyales at mga barangay tanod sa lugar, at walang tumulong sa mga saksi ng insidente.

Nakuha na rin ng mga kapulisan ang mga pahayag ng mga saksi at kaanak at nagsimula na ang paghahanda ng Warrant of Arrest laban sa mga suspek, na nakatakas pagkatapos ng pananaksak.

Nanawagan naman ang mga kaanak ni Bacal na humarap na ng patas ang mga suspek at humingi ng hustisya, dahil hindi nila matatakasan ang kanilang kasalanan. Ayon sa kanila, may mga naunang kaso na ang mga suspek, kabilang na ang pananakit, pagpatay, at pagkakulong.