Mga kabombo! Madalas ka rin bang manood sa cinema?
Nasubukan mo na bang manood ng pelikula na mayroong patalastas?
Kung nakakabitin ito para sa iba, nakakapikon naman ito sa 31-anyos na abogado sa Bangalore, India.
Kung saan, kinilala umano ang lalaking si Abhishek M R na nagreklamo sa kaniyang worst experience sa isang sinehan.
Paano ba naman kasi, sunud-sunod ang naging patalastas bago magsimula ang mismong pelikula.
Sa pagbisita niy, inaasahan ni Abhishek na magsisimula ang pelikula sa tamang oras batay sa schedule. Ngunit nagbago ang takbo ng gabi nang mapalitan ang inaasahang simula ng pelikula ng halos 30 minutes na mga patalastas.
Ang mga naturang patalastas ay ilang public service announcements at mga ads ng iba’t ibang produkto. Dahil dito, natapos ang pelikula ng 1 oras na late sa orihinal na schedule, dahilan upang mapagpaliban ang isang importanteng tawag sa trabaho.
Dahil sa nasabing aberya, isinaalang-alang ni Abhishek na ito ay isang halimbawa ng “unfair trade practice” at idineklarang nasayang ang kanyang oras.
Hindi lamang basta reklamo ang kanyang inilatag, pinursige niya ang kaso sa Bangalore District Consumer Disputes Redressal Commission.
Matapos ang maingat na pagdinig, naglabas ng hatol ang korte pabor kay Abhishek. Hinatulan ng korte ang isang sinehan na bayaran nito si Abhishek ng danyos na umabot sa P13,000 dagdag pa ang P5,200 para sa legal na gastusin.
Bilang parusa naman, ipinataw din sa sinehan ang multa P5.7 million na direktang ideposito sa Consumer Welfare Fund ng gobyerno.
Depensa ng korte, nasa modernong panahon na kung kaya’t ang oras ay itinuturing na mahalagang kayamanan at hindi dapat sinasayang ng anumang negosyo.