DAGUPAN CITY- Responsibilidad ng pamahalaan na mapagaan ang kalidad ng pamumuhay ng mga Pilipino.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Sony Africa, Executive Director ng Ibon Foundation, may maganda man na naitutulong ang bawat ayuda ng pamahalaan, partikular na sa 4Ps at AKAP Program, subalit hindi naman nakikita ang kabuoang bilang ng mga nangangailangan ng tulong.
Aniya, kailangan mabago ng gobyerno ang kanilang depenisyon ng kahirapan dahil itinuturing na umanong may kaya sa buhay ang mga sumasahod ng P24,000 pataas.
Kung tutuusin ay kulang pa rin ang nasabing halaga para makaipon, subalit hindi ito nakikita ng gobyerno na kinakailangan din ng tulong.
Kaya naniniwala si Africa na maliban sa ayuda ay pinaka-kailangan ng mga Pilipino ay ang pagkakaroon ng trabaho at pagpapabuti ng mga benepisyo na natatanggap sa trabaho, kabilang na ang pagtaas ng sahod.
Sa suportang ito, higit pa ang magiging epekto na maidudulot sa pamumuhay ng mga Pilipino.
Samantala, makakatulong sa pagresolba sa suliranin ang pagboto sa tamang kandidato.
Ayon kay Africa, nararapat na piliin ang mga kandidatong buong-buo ang suporta at proteksyon sa industriya, subalit hanggang sa ngayon ay hindi pa niya ito nakikita.
Puro matatamis lamang kase ang kanilang mga pangako subalit, sa oras ng panunungkulan ay pinapatikim lamang ang kanilang pinangako kaya mahalagang busisiin mabuti ang background nito upang tiyak at mapili nang tama ang iboboto.
Dagdag pa ni Africa, hindi dapat ipinagbibili ang isang boto at hindi dapat bigyan pansin ang mga kumakandidatong gumagawa nito.