DAGUPAN CITY- Isang mahalagang hakbang patungo sa pagpapabuti ng kabuhayan ang isinagawa ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa bayan ng Mapandan, para sa mga miyembro ng Mapandan Solo Parents Association (MSPA).

Nagbigay ang DOLE ng tulong pinansyal na nagkakahalaga ng ₱484,629.00 para sa kanilang Rag-Making Livelihood Project.

Sa ilalim ng programang DOLE Integrated Livelihood Program (DILP), ang pondong ito ay gagamitin para sa pagbili ng mga sewing machine at iba pang kagamitan na makakatulong upang mapalago ang kanilang negosyo at makapagbigay ng alternatibong kabuhayan sa kanilang mga miyembro.

--Ads--

Ang proyektong ito ay naisakatuparan dahil sa matibay na pakikipag-ugnayan ng DOLE, lokal na pamahalaan ng Mapandan, at iba pang mga ahensya tulad ng Sangguniang Bayan, Public Employment Service Office (PESO), at Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).

Patuloy na pinapalakas ang mga inisyatibo na naglalayong magbigay ng mas maraming pagkakataon para sa mga marginalized sectors, tulad ng mga solo parents.