Nakapagtala na ng unang kaso ng pagkasawi dahil sa pagkalunod ang baybayin ng Dagupan City ngayong taon.

Ayon kay Ella Oribello, Team Leader ng Lifeguard sa Tondaligan Beach, Isang turista mula sa Baguio City ang nalunod noong kasagsagan ng Chinese New Year sa parte ng baybaying sakop ng Barangay Bonuan Binloc malapit sa isang resort kung saan lugar na hindi na sakop ng kanilang area of responsibility.

Aniya na tatlong magkakaibigan ang nagpunta sa dagat malapit sa resort na kanilanb inupahan at isa sa kanila ang nalunod dahil sa malakas na agos habang nakaligtas naman ang dalawa.

--Ads--

Dahil dito, nanawagan si Oribello sa mga resort owners na magkaroon ng sariling mga bantay-dagat at maging responsable sa pagbibigay ng bilin sa mga turistang dadako sa kanilang lugar na pagsabihan at bigyan ng babala ang mga ito upang maiwasan ang mga ganitong kahalintulad na insidente.

Binigyang-diin niya na hindi ligtas ang lugar dahil sa malalakas na alon, o sabang kung tawagin.

Ibinahagi pa nito ang magiging plano ng LGU Dagupan na palawakin pa ang sakop ng kanilang tanggapan sa pamamagitan ng pagbubukas sa One Bonuan Pavilion site upang madagdagan ang mga rescue personnel para sa kapakanan ng turista na bibisita sa baybayin na sakop ng Dagupan.

Samantala, Pinaalalahanan din ni Oribello ang mga turista na agad tumawag sa CDRRMO hotline, kapulisan o sa kanilang mga personnel ng lifeguard kung may makikitang nalulunod, o kung may kakayahan naman ang isang taong nakakita ay agad na lamang tulungan para maisalba ang buhay sa bingit ng kamatayan.