Naniniwala si US President Joe Biden na magbubunga ng maganda ang nabuong ceasefire sa pagitan ng Israel at Hamas.
Sinabi nito na hindi nasayang ang ginawang paghihirap para mapapayag ang dalawang panig na tumugon sa nasabing mapayapang pag-uusap na magsisimula sa Linggo, 19 ng Enero upang wakasan ang 15 buwang digmaan.
Mayroong tatlong bahagi ang ceasefire na ang unang anim na buwan ay pagpapalaya sa mga bihag at pagkatapos ang ikalawang bahagi ay ang permanenteng ceasefire habang ang ikatlong bahagi ay ang pagbabalik sa mga nasawing bangkay sa kanilang mga pamilya.
Ayon naman kay United Nations Secretary General Antonio Guterres, handa ang UN na dagdagan ang tulong sa mga Palestino.
Matatandaan na inatake ng Hamas ang katimugang Israel noong 7 Oktubre 2023, na nagresulta sa pagkamatay ng halos 1,200 tao at ang paghuli sa 251 katao na dinala sa Gaza bilang mga hostage.
Ang pag-atake ay nagpasimula ng isang malawakang opensiba ng Israel sa Gaza, kung saan mahigit 46,000 Palestino ang napatay.
Tinatayang 94 hostages ang kasalukuyang hawak pa ng Hamas, at 34 sa mga ito ay pinaniniwalaang patay na.