DAGUPAN CITY- Hindi naiiba ang tradisyon ng kapaskuhan sa bansang Dubai kung ikukumpara sa bansang Pilipinas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Ella Andres Bagbagay, Bombo International News Correspondent sa nasabing bansa, maliban sa hindi nawawala ang dekorasyon ng kapaskuhan tuwing sasapit na ang Disyembre, mayroon din simbang gabi na kanilang dinadaluhan.

Aniya, dahil may mga Pilipino doon, nakikisabay na rin ang mga lokal sa nakasanayang selebrasyon ng mga Pilipino bilang pagrespeto rin. Partikular na itong nangyayari sa mga may kasambahay na Pilipino.

--Ads--

Pagdating naman sa pagkaing inihahanda, nagagawa na nilang magluto ng lechon kawali dahil tinanggap na ang pagkain ng baboy sa nasabing bansa.

Ibinahagi rin ni Bagbagay na nagsasagawa ng christmas party ang mga Pilipino tuwing sumasapit ang Disyembre.

Samantala, ikinatutuwa niya ang pagselebra ng kapaskuhan sa Pilipinas makalipas ang higit 15 taon pagtatrabaho doon.

Aniya, upang masulit ang pagkakataon na ito, tutuparin na niya ang pinangarap niyang makasalo ang pamilya sa hapag kainan.