Maaaaring magdulot ng masamang epekto sa kalusugan ang pagtangkilik sa mga naglipanang unofficial Labubu merch sa bansa.
Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Manny Calonzo, campaigner ng Ecowaste Coalition naglipana na sa mga pamilihan ang mga nasabing produkto sa bansa kung saan ibinebenta ito sa murang halaga.
Dagdag nito, kahit na maganda at matibay ang mga ito, maaaring magtaglay ito ng mga ipinagbabawal na sangkap o kemikal tulad ng lead na maaaring magdulot ng kapahamakan sa kalusugan, lalo na sa mga bata.
Sa isinangawang market monitoring ng grupo, tatlo sa kanilang nabiling anim na Labubu tumbler ay kinakitaan ng pinturang may mataas na lead content.
Aniya, mahirap umano itong tukuyin sa isang tingin ng mga oridnaryong mamimili at kailangan pang magsagawa ng masusing pagsusuri sa mga labolatoryo upang malaman kung mayroong nakakalasong kemikal ang mga nasabing merch.
Paalala nito na dapat mayroong warning at proper labeling ang mga laruan o mga kagamitan upang matukoy ng consumers ang mga ginamit na sangkap.
Mensahe ng grupo sa mga mamimili na suriing mabuti ang mga binibili upang maka-iwas sa kapahamakan.