Tiniyak ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO) ang kanilang kahandaan sa gitna ng nararanasang Bagyong Pepito.
Nakataas na ang Wind Signal number 4 sa silangang bahagi ng lalawigan habang ang natitirang bahagi ay nasa ilalim parin sa Signal number 3.
Ayon kay PCol. Rollyfer Capoquian, Provincial Director ng Pangasinan Police Provincial Office na handa na ang kanilang mga tauhan para sa anumang pangangailangan.
Aniya na mayroon silang mga reserve forces na handang tumugon sa mga search and rescue operations at magbibigay ng dagdag na manpower sa mga barangay at munisipyo kung kinakailangan.
Mayroon ding mga tauhan na naka-antabay sa kanilang opisina para sa maaring augmentation.
Dagdag nito na ang pangunahing tinututukan nila ngayon ay ang mga coastal area sa lalawigan para sa mabilis na pagresponde, lalo na kung kinakailangan na ang force evacuation dahil sa posibleng maging banta ng storm surge.
Layunin nilang maiwasan ang anumang problema upang mabilis na maisalba ang mga residente malapit sa mga karagatan.
Samantala, patuloy naman ang hanay ng kapulisan sa lalawigan sa pagmomonitor sa sitwasyon at lagay ng bagyo para sa handang pagtugon sa anumang pangangailangan sa buong lalawigan.