Naniniwala ang isang political analyst na marahil nabasa o nakita ni US president elect Donald Trump at ng kanyang mga advisers ang pulso o nararamdaman ng mga tao kung kaya siya ang nanalo sa makasaysayang halalan sa Amerika.
Ayon kay Atty. Michael Henry Yusingco, Political Analyst, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, hindi ito nakita ni US Vice president Kamala Harris at nagkamali sila ng perception kung ano ang hinahanap ng mga Amerikano.
Pero kung ano talaga ang dahilan ng pagkapanalo ni Trump, sinabi nito na maging ang mga political analyst sa Amerika ay nahihirapan umanong ipaliwanag kung bakit si Trump ang nanalo.
Sinabi ni Yusingco na status quo ang maaasahan o nakikita sa kasalukuyan dahil si Trump ay very unpredictable kung saan hindi mabasa kung ano ang nasa isip niya at kung ano pa ang maaari niyang gawin o babaguhin sa Pebrero sa susunod na taon.
Ang kanyang sinabi ngayon ay hindi na parehas sa sasabihin sa susunod.
Inihalintulad niya si Trump kay dating pangulong Rodrigo Duterte na ang mga naunang sinabi ay maaari niyang bagihin o baliktarin sa susunod na araw.
Giit niya na ito ang dapat na bantayan dahil maaari aniyang magkaroon ito ng negatibong epekto sa ating bansa.
Sinabi nito na ang dapat na pangambahan ay ang mga binibitawang salita ni Trump na maaaring magdulot ng paglala ng situwasyon sa ibang bansa lalo pa ay kaibigan niya sina Russian president Vladimir Putin at North Korean president Kim Jong Un.
Sa larangan aniya ng polisiya at disisyon ay maaari pa ring mabago kaya hindi pa malinaw ang mangyayari sa kanyang sunod na termino lalo pa sa kanyang sa kampanya ay hindi naman umano naging malinaw ang kanyang mga gagawin.
Samantala, sa usaping anti immigration policy, ang magiging kalaban umano dito ni Trump ay mga illegal immigrans.
Bihira naman aniya ang kababayan natin na illegal immigrants dahil karamihan sa mga Pilipino ay dumaan sa proseso at nakapasok sa Amerika sa legal na paraalan.
Kaugnay naman sa kanyang kaso, hindi na aniya mabubura pa ang kanyang ang pagiging convicted sa krimen dahil nasa rekord na maliban lang kung administrative case na pwedeng mabura.