DAGUPAN CITY- Matagumpay nang naiwagayway ang bandera ng Pilipinas sa larangan ng boxing matapos talunin kahapon ni Former three-division champion John Riel Casimero si Saul Sanchez ng Amerika sa kanilang 10-round superbantam weight fight sa Yokohama, Japan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Hannah Galvez, Bombo International News Correspondent sa naturang bansa, unang round pa lamang ay nasiguro na ang panalo ni Casimero matapos niyang mapatumba si Sanchez. Nagawa pa man makatayo ni Sanchez subalit hindi na nito kayang lumaban pa kaya idineklarang Technical Knock Out ang pagkapanalo ni Casimero sa ika-2:41 ng 1st round.

Aniya, bago pa magsimula ang laban ay nakatanggap na ng pagkadismaya sa mga kapwa Pilipino si Casimero dahil sa pagiging overweight niya para sa 122-pound limit.

--Ads--

Binigyan lamang siya ng dalawang oras upang magbawas ng timbang at sa pangalawang pagsubok ay nanatiling overweight pa rin si Casimero.

Habang si Sanchez naman ay nagawang makapasok agad para sa kaniyang 121.7 lbs. Gayunpaman, nagpatuloy ang kanilang laban.

Ani Galvez, labis na ikinatuwa ng mga Pilipino sa Japan ang pagkapanalo ni Casimero at kanilang pinagdidiwang ito. Rinig din ang kanilang sigawan matapos mapatumba ni Casimero si Sanchez.

Sa kasalukuyan mayroon nang 34-4-1 records na si Casimero at may 23 knock-outs.