DAGUPAN CITY – Dinaluhan at sinalubong ng daan-daang mga deboto sa paglabas ng imahe ni “Apo Baket” o ng Our Lady of the Most Holy Rosary of Manaoag para sa taunang prusisyon o “libot” sa buong downtown ng Manaoag.

Bago ang prusisyon ay nagkaroon muna ng misa sa loob ng simbahan sa pangunguna ni Archbishop Socrates Villegas kasama ang ilang pari dito.

Sinimulang ang prusisyon sa simbahan kung saan idinaan ito sa ilang mga pangunahing lansangan sa bayan bago ibinalik sa loob ng simbahan.

--Ads--

Sinabayan ang nasabing prusisyon ng ilang mga deboto mula sa iba’t ibang lugar sa lalawigan habang nag-aalay ng dasal at awit ng papuri.

Isang taunang kaganapan ang prusisyong isinagawa bilang paraan ng pagpapakita ng debosyon sa nasabing poon.

Umantabay naman at tumutok sa kaganapan ang Lokal na pamahalaan ng Manaoag, MDRRMO, Manaoag PNP, BFP Manaoag, Health Volunteers at iba pa upang mapanatili ang kaayusan ng nasabing kaganapan gayundin ang kapakanan ng bawat indibidwal na nakiisa dito.

Nagpapakita ito ng malalim na simbolo ng pananampalataya at debosyon ng mga tao sa Manaoag na siyang isang paraan para sa pagpapakita ng kanilang pasasalamat sa Our Lady of the Most Holy Rosary of Manaoag.