DAGUPAN CITY – Nakahanda na ang 75,000 food packs na tinatayang nagkakahalaga ng humigit-kumulang P90,000 bilang tugon sa mga mangangailangan sa rehiyon uno na maaapektuhan ng bagyong Julian.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Marie Angela Gopalan Regional Director, DSWD Field Office 1 sa kasalukuyan ay wala pang naipapamahagi ang kanilang tanggapan bagama’t ay wala pang nairereport na apektado ng nasabing bagyo maliban na lamang sa apat na pamilya sa Vigan, Ilocos Sur kung saan ay nasa evacuation center na ang mga ito.

May iba’t ibang uri naman ng tulong ang kanilang ipinamamahagi gaya na lamang ng food packs, hygiene packs, family packs at iba pa depende sa pangangailangan ng mga apektado.

--Ads--

Ibinahagi nito na mabilis ang kanilang pagresponde sa pangangailangan sa rehiyon lalo na at mayroong 19 warehouses sa iba’t ibang lokal na pamahalaan ang kanilang tanggapan upang mas mapadali ang pagresponde.

Dagdag pa niya na maliban sa kanila ay may kakayanan din ang mga Local Government Units (LGUs) ng bawat bayan para sa mga ganitong emergencies.

Samantala, hinihiling naman nito sa mga barangay na maging masinop sa pagtatala sa kung sino ang mga apektado sa kanilang nasasakupan dahil doon ibinabatay ang kanilang pagtatala sa pagbibigay ng assistance.