DAGUPAN CITY- Labis nang naaapektuhan ang kabuhayan ng mga tao sa Lebanon dulot ng tumitinding gyera sa pagitan ng kanilang bansa at Israel.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Leslyn Calata, Bombo International News Correspondent sa Lebanon, marami na din ang lumilipad ng ibang bansa upang makalayo sa mula sa kaguluhan.
Maging sila ng kaniyang amo ay may planong magbakasyon muna sa Dubai, Saudi Arabia hanggang sa humupa ang tensyon.
Aniya, may mga Pilipino rin na gusto na umuwi ng bansa. Subalit, mayroon din na pinipili pa ang manatili kahit nakakaramdam na rin ng takot.
Naglabas na din umano ng abiso ang embahada ng Pilipinas sa kanilang pagtulong sa mga Pilipinong gusto nang magparepatriate.
Sinabi din ni Calata, halos isang linggo na niyang naririnig ang paglipad ng mga fighter jets at mga pagsabog.
At kumpara sa nakaraang panayam niya sa Bombo Radyo Dagupan, ang mga pagsabog ay lalong lumalakas pa at nagdudulot ito sa kaniya ng takot.