DAGUPAN CITY- Nasawi ang isang ginang habang sugatan ang asawa nito, 3 menor de edad na anak at dalawang iba pa sa karambola ng tatlong sasakyan sa kahabaan ng national highway sa Brgy Tempra-Guilig, sa bayan ng San Fabian.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLT. Col Michael Datuin, COP ng San Fabian PNP, lumalabas sa imbestigasyon na minamaneho ni Robino Natavio Oca, 42 anyos, may asawa, magsasaka at residente ng Brgy Lekep-Butao, San Fabian, ang isang kulong kolong lulan ang apat na pasahero nang sumalpok sa isang motorsiklo na minamaneno ni Andrei Castro Delos Santos, 24 anyos, binata at residente ng Brgy Damortis, Sto Tomas, La Union at sa Elf Van na minamaneho naman ni Erwin Balolong Gonzales, 47 anyos, at residente ng DasmariƱas Village, Bonuan Guiset, Dagupan City, kung saan aang mga ito ay patungo namang timog na direksyon.
Lumalabas sa imbestigasyon na binabagtas ng dalawang unang sasakyan ang nasabing kalsada patungo sa Timog na direksyon kung saan ang kolong-kolong ay nasa unahan ng motorsiklo, habang ang Elf Van naman ay nasa kabilang lane patungo sa hilagang direksiyon.
Nabangga umano ng motorsiklo ang likurang bahagi ng kolong-kolong na naging sanhi ng pagkawala ng kontrol ng sasakyan at napasok sa center lane na tumama sa Elf Van sa kaliwang bahagi ng harapan nito.
Nasawi ang asawa ng drayber ng kolong kolong habang nagtamo naman ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang lahat ng driver at pasahero ng mga nasabing sasakyan na agad namang dinala sa pagamutan.
Samantala, nagkaroon naman ng pinsala ang lahat ng sasakyan at hindi pa rin malaman ang kabuoang danyos.