Dagupan City – Suportado ng Federation of Free Workers ang paglikha ng isang centralized database ng job vacancies bilang isa sa mga pangunahing hakbang sa pagpapatupad ng trabaho Para sa Bayan Act.
Ito ang tiniyak ni Atty. Sonny Matula ang presidente ng nasabing samahan sa naging panayam sa kaniya ng Bombo Radyo Dagupan.
Aniya, napakahalaga ng database, dahil dito makikita ang mga trabaho na bukas sa job market gano’n na rin ang mga kinakailangang kwalipikasyon.
Gaya na lamang ng mga kinakailangang job skills sa bawa’t aplikante ngunit hindi rin nagiging basehan dahilan upang magresulta ito ng short term plan.
Hinggil naman sa pagbaba ng employment rate sa bansa noong hunyo, ani Matula, resulta ito ng katatapos lamang na graduation ng mga kolehiyo at kung susuriing mabuti, epekto rin ito ng mahinang pag-absorb ng ekonomiya ng bansa.
Dahil dito, nakikitaan umano ang naturang database upang makakatulong na gawing mas episyente ang paghahanap ng trabaho, lalo na para sa mga bagong graduate ng Kolehiyo at Senior High School, at makakapagbigay ng mas mabilis na access sa mga bakanteng posisyon mula sa iba’t ibang kumpanya sa bansa.
Samantala, isa naman sa nakikita nitong suliranin sa bansa ay ang pagkakaroon ng mismatch sa trabaho na siyang nagreresulta naman sa hindi pagkahanda ng mga work force sa bansa.