BOMBO DAGUPAN- Patuloy na ipinaglalaban at tinututukan ni Agri Partylist Representative Wilbert Lee ang pagtulong sa mga mahihirap dahil sila ang unang naaapektuhan sa pagtaas ng mga bilihin.

Ayon sa kaniya, kabilang sa kaniyang pagbisita sa mga bayan ay ang pag ikot sa mga pamilihan at im-monitor ang bawat presyo ng mga bilihin.

Napansin niya ang mga pabago-bagong presyo ng mga karne at gulay dahil sa kakulangan sa post-harvest facility.

--Ads--

At dahil dito, hindi naiimbak nang maayos ang mga produkto kaya napipilitan na lang ang mga negosyante na ibenta ito kaysa mabulok lamang.

Sinabi ni Lee na dapat matulungan ang mga negosyanteng magsasaka na dalhin sa Kadiwa stores ang kanilang produkto at duon ibenta.

Kaugnay nito, hindi rin dapat nakaasa sa administrasyong nakaupo ang pagpapatakbo ng Kadiwa Centers upang maging institutionalized ito at maging permanente.

Ito ang naging dahilan ni Rep. Lee upang mag-file ng Housebill no. 3957 o Kadiwa Institutionalization Act para matiyak ang pondo nito at magtuloy-tuloy.

Dagdag pa niya, isa sa kaniyang mga ginagawa ay ang alamin ang mga hinain ng mga tao upang makagawa ng programa na makatutulong sa publiko, kabilang na dito ang kaniyang programa na Kadiwa Agri Food-Terminal Act.