BOMBO DAGUPAN – Nananatiling nasa ilalim ng state of Calamity ang bayan ng Calasiao dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig.
Ayon kay Kristine Joy Soriano, LDRRMO III ng Calasiao MunicMDRRMO, base sa kanilang monitoring sa Marusay River, kaninang umaga ay nasa 10ft above normal level ang tubig at lagpas na sa critical level.
Kung tataas pa ay nagbabadya na rin umanong umapaw ang tubig sa ilog.
Sinabi ni Soriano na sa kabuoan, nasa 15 barangay mula sa kabuoang 24 na barangay sa nasabing bayan ang nakakaranas ng baha.
Aabot aniya sa 4 hanggang 4.5 ft na tubig baha ang pinakamataas na inabot ng level ng tubig.
Samantala, marami ang napaulat na naapektuhang pamilya.
Gayunman may isang pamilya mula sa barangay Lumbang ang nag evacuate at may dalawang pamilya mula sa barangay Mancup ang nasa barangay hall.
Nabigyan na ng relieff pack ang mga evacuees at susunod na bibigyan naman ang mga naapektuhang barangay.
Payo naman niya sa mga residente na bagamat may araw na ay huwag magpakampante dahil mataas pa rin ang tubig baha.