BOMBO DAGUPAN- Mariin kinokondena ni PAMALAKAYA Chairperson Fernando Hicap ang muling paghaharass ng China sa mga Pilipino sa West Philippine Sea.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sakaniya, nakikita nilang dahilan sa panggigipit ng China ay ang patuloy na bilaterial agreement at defense cooperation ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa.

Maaaring para sa China ay isa itong panloloko ng Pilipinas kaugnay sa panawagang mapayapang solusyon sa nagpapatuloy na agawan ng nasabing karagatan.

--Ads--

Gayunpaman, hindi aniya masisisi ang China kung ganito ang tingin nila dahil isa din naman sila sa claimant o umaangkin ng West Philippine Sea bilang parte umano ng South China Sea.

Subalit, hindi naman dapat umiiral ang panggigiit ng China dahil hindi naman kinilala ng Arbitral Ruling noong 2016 ang kanilang 9-dash line.

Kaugnay nito, panawagan ni Hicap sa sambayanan na ipanawagan ang paglutas ang sigalot sa West Philippine sa mapayapang paraan.

Ito ay upang hindi rin gumawa ang Estados Unidos at kaalyadong bansa nito ng lalong magpapalakas ng tensyon sa karagatan.

Kung nagkaroon man ng gyera, manalo man ang China o US, mananatiling talo pa rin ang Pilipinas.

Maliban diyan, dapat din kilalanin ang karaptan ng mga mangingisda na nadadawit dahil sa tumataas na tensyon sa karagatan.

Ani Hicap, hindi man nakaranas ang mga mangingisdang Pilipino ng panghuhuli ng China dahil sa ipinatupad nilang “No Trespassing Policy” subalit, patuloy naman ang pagmamalupit ng China.