BOMBO DAGUPAN- Naglabas na ng abiso ang Philippine Embassy sa mga Overseas Filipino Workers na lisanin o lumikas na sa lugar ng kaguluhan subalit hindi pa nila binabalak itong gawin.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Marie Salgado, Bombo International News Correspondent, matagal na din nilang nararanasan ang kaguluhan sa nasabing bansa kaya sanay na rin umano sila.

Bagama’t nag-aalala ang mga pamilya ng mga Overseas Filipino sa Lebanon bunsod ng lumalaking tensyon, wala naman aniya silang magawa kundi manatili sa bansa para makapagtrabaho.

--Ads--

Hindi rin nawawala aniya ang may mangamba at gusto na rin umuwi lalo na sa mga bago pa lang sa bansa.

Aniya, dinig man sa ibang bahagi ng bansa kabilang na sa Beirut ang palitan ng putukan subalit, malayo naman aniya ang kaniyang kinaroroonan.

Pinapaalalahanan na lamang nila ang kanilang pamilya na malayo sila sa lugar ng kaguluhan.

Gayunpaman, hindi naman aniya siya pipigilan ng kaniyang employer kung sakaling napalapit na sa kanilang lugar ang putukan.