BOMBO DAGUPAN – Natagpuan wala ng buhay ang isang lalaki sa kanyang inuupahang bahay sa lungsod ng Alaminos.

Ayon kay Maj. Jairilyn Camangia, Deputy Chief of Police ng Alaminos City PNP, kinilala ang biktima na si Marlon Ignacio, 37 anyos, may asawa, service crew, tubong Tarlac at kasalukuyan nakatira sa Pandanyan street, barangay Poblacion, sa lungsod ng Alaminos.

Ang biktima ay nakitang nakabigti sa loob ng comfort room gamit ang tali ng kanyang apron.

--Ads--

Ayon sa salaysay ni Liwayway Ramos, kasamahan niya sa trabaho, nagtaka siya dahil hindi pumasok ang biktima noong umaga ng July 30 kaya ang ginawa niya ay puntahan ang inuupahang bahay ng biktima.

Nakiusap umano sa caretaker na silipin at kamustahin ang biktima pero nang buksan ang bahay ay doon na nakita itong nakabitin.

Dinala pa ito sa hospital ngunit wala ng buhay.

Pinaniniwalaang nakaranas ng depression ang biktima dahil sa problema sa pamilya.