INFANTA, Pangasinan — Nagtangka munang tumakas bago naaresto ng kapulisan ang isang 19-anyos na lalaki na nag-amok at nahulian ng ilegal na droga sa bayan ng Infanta.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PCapt. Christopher Nacional, Officer-in-Charge ng Infanta Municipal Police Station, sinabi nitona nakatanggap ang kanilang himpilan kamakailan ng tawag kaugnay sa isang inidbidwal na nanggugulo sa Brgy. Cato sa nasabing bayan.

Kaagad naman aniya silang rumesponde sa tawag ng concerned citizen at ng dumating sila sa lugar ay dito nila naabutan ang suspek na itinago sa alyas na “Mark”.

--Ads--

Nang lapitan ito ng mga rumespondeng kapulisan at mga barangay official ay mabilis namang kumaripas ng takbo ang suspek na ayaw makipag-cooperate sa mga awtoridad.

Mabilis naman silang umaksyon upang madakip ang suspek na kanilang napag-alamang madalas nasasangkot sa mga kaguluhan at sinasaktan ang kanyang pamilya na kumbinsidong gumagamit ang suspek ng ilegal na droga.

Pinagtibay naman ito ng nakumpiska na 5.16 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit kumulang P35,000, 2.3 gramo ng hinihinalang marijuana na nagkakahalaga ng humigit kumulang P300, at isang revolver.

Bagamat nasa kustodiya na ng kapulisan, nananatili namang hindi nagbibigay ng anumang pahayag ang suspek kaugnay sa kasong kinakaharap nito.

Samantala, inihahanda naman na ang mga kasong isasampa sa suspek na may kinalaman sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.