BOMBO DAGUPAN- Nananatiling malaking dagok para sa mangingisdang Pilipino ang pamamalagi ng Chinese Vessels sa West Philippine Sea.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Roberto ‘Ka Dodoy’ Ballon, Chairperson ng Katipunan ng mga Kilusan ng Artisanong Mangingisda sa Pilipinas, patuloy na nahihirapan ang mga mangingisda na makapaghanapbuhay dahil sa banta ng China.

Marami na ang pinipiling hindi na mamalaot sa malayong parte ng karagatan at magtiyaga na lamang sa payao, o mas mababaw na parte. Subalit, hindi naman sumasapat ang kanilang kinikita.

--Ads--

Ang iba naman aniya ay naghanap na lang ng ibang pagkakakitaan, maliban sa pangingisda.

Nagpapasalamat naman si Ballon sa ibang ahensya ng gobyerno dahil sa kanilang gingawang aksyon para makatulong sa mga mangingisda.

Mayroon aniyang mga senador na nagbigay ng assistance kabilang na ang pamamahagi ng kaonting puhunan para maibsan ang nararanasang kahirapan.

Gayunpaman, giit niya na hindi maaaring umasa nalang sila sa araw-araw na ayuda sapagkat malayang pangingisda ang kanilang tunay na kailangan.

Wala kase aniyang kasiguraduhan na may kikitain sila sa ayuda lamang.

Samantala, patuloy pa rin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa kanilang mga nakakatulong na Non-Government Organizations upang isulong ang kapakanan ng mga mangingisda.