BOMBO DAGUPAN – “Malinaw na anti-farmers.”
Yan ang binigyang diin ni Cathy Estavillo Spokesperson, Bantay Bigas sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan ukol sa inilabas na Executive Order no. 62 o ang pagbaba ng taripa ng bigas.
Magreresulta kasi ito aniya ng pambabarat sa presyo ng palay, dahil hawak naman ng mga pribadong sektor ang pagtatakda sa presyo, kung saan pinakamataas ang kasalukuyang presyo ng bigas na naitala sa nakalipas na 15 taon.
Pagbabahagi niya na ang malaking importasyon ay magdudulot sa pagbaba ng presyo ng palay sa bansa dahil kapag hindi kayang makipag kompetensiya ng lokal na bigas sa imported na bigas ay magreresulta ito ng muling pagkalugi ng mga magsasaka.
Aniya na kahit bawasan o ibaba ang taripa ng bigas ay mananatiling mataas ang presyo nito dahil lumiliit ang suplay sa world market.
Dapat aniya ay mas pagtuunan na lamang ng gobyerno ang pagpapalakas ng lokal na produksyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng subsidiya, lupa at maayos na irigasyon sa mga tanim na palay.
Dahil kung may maayos na irigasyon ay lampas lampas pa sa pangangailangan ng mga pilipino ang lilikhain ng ating mga magsasaka.