BOMBO DAGUPAN – Nakalaya na mula sa house arrest si dating Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves Jr.
Ayon kay Department of Justice (DOJ) Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano, ipinaalam sa kanila ng Timor Leste central authority ang paglaya ni Teves.
Sa ilalim ng batas sa Timor Leste ay hanggang siyamnapung araw lamang pwedeng ikulong ang isang pugante.
Bagama’t laya na ay patuloy pa rin namang minomonitor ng mga awtoridad si Teves at inalerto rin ang lahat ng border upang masigurong hindi makakalabas ang dating kongresista.
Kailangan din aniyang lumitaw sa korte ni Teves kada dalawang araw habang naghihintay sa desisyon ng Court of Appeal na inaasahang lalabas sa susunod na linggo.
Tiniyak naman ni Clavano na mapapabalik ng Pilipinas ang dating congressman upang harapin ang mga kaso laban sa kaniya.
Si Teves ang itinuturong utak sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam pang indibidwal noong Marso 2023.