BOMBO DAGUPAN– Malaki na ang pinagbago ng paglaki ng mga itlog ng manok dulot ng kamakailang pag-ulan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan Kay Francis Uyehara, Presidente ng Philippine Egg Board Association, kumpara sa naranasang tag-init, naging komportable na ang mga alagang manok sa malamig na panahon. Dahil dito, nagkaroon na aniya ng pagbuti sa paglaki ng mga itlog nito.
Hindi pa man masabing “stable” ang presyo ng itlog ngayon, subalit tiyak naman na tumaas na ang presyo ng mga maliliit na itlog. At nananatiling “in-demand” ang mga malalaking itlog.
Sinabi pa ni Uyehara, wala nang nararanasang pag-oversupply ng mga itlog dahil marami na din ang huminto at nagbawas sa pag-aalaga ng manok.
Ang pagbabawas ng alagang manok ang naging adjustment ng mga nag-aalaga nito upang maisaayos ang kanilang gastusin.
Samantala, sinabi din ni Uyehara na maaaari pa din magkaproblema sa kalusugan ng mga manok ngayon tag-ulan, dahil ito sa inilalabas na toxins mula sa mga materyales ng patuka.
Aniya, sa Third Quarter Syndrome na tinatawag ay maraming sakit ang magiging banta sa mga alagang manok tuwing sa panahong ito.
Subalit, nakadepende pa rin sa pamamahala ng mga farms kung magkakaroon ng mortalidad.