DAGUPAN CITY — Hindi na umabot pa ng buhay sa pagamutan ang isang 56-anyos na lalaki matapos itong malunod sa bayan ng San Fabian.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PMaj. Conrado Norial, Deputy Chief of Police ng San Fabian Municipal Police Station, kinilala nito ang biktima na si June Lee Celino Montes, single, magsasaka, at residente ng Bila Bokod, Benguet.

Sa kanilang inisyal na imbestigasyon, lumalabas na kinaumagahan, o dakong alas-9:20 ng umaga sa partikular ng Mayo 28 ay nakasama at nakainuman ng biktima ang kanyang kapwa magsasaka na si Jonathan Binay-an, 49-anyos, at residente ng parehong lugar, sa nirentahan nilang shed sa Brgy. Nibaliw Vidal, sa bayan ng San Fabian, Pangasinan.

--Ads--

Matapos nito ay nagpahangin umano ang biktima sa dalampasigan at hindi pa nakakalipas ang mahigit kalahating oras nang mapansin na lamang ni Binay-an at iba pang mga kasamahan ng biktima na palutang-lutang sa may pampang.

Lumalabas pa sa imbestigasyon na nakatulog ang biktima at tinangay ito ng malalakas na alon at nalunod dahil sa kalasingan.

Sinubukan pa itong itakbo sa pinakamalapit na pagamutan ngunit idineklara na rin ito bilang Dead on Arrival.

Samantala, mayroon naman aniya silang mga ordinansa na ipinatutupad kaugnay sa pagbabawal sa paliligo habang nakainom subalit hindi rin naman aniya maiiwasan na mayroon pa ring mga hindi sumusunod sa kanilang mga paalala.

Kaugnay nito ay ito na aniya ang ikatlong insidente ng pagkalunod na naitala ngayong taon sa kanilang bayan.

Patuloy naman ang kanilang mga ginagawang hakbangin at interbensyon at gayon na rin ang pakikipagugnayan sa iba’t ibang mga opisina sa kanilang bayan upang maiwasan ang pagtaas ng mga insidente ng pagkalunod at iba pang mga krimen sa kanilang nasasakupan.