BOMBO DAGUPAN – “Wala silang karapatan, otoridad at kapangyarihan sa ating teritoryo.”
Yan ang ibinhagi ni Atty. Michael Henry Yusingco, Political Analyst sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan sakanya ukol sa 4 na buwan na fishing ban ng China sa kanilang karagatan gayundin sa ilang bahagi ng West Philippine Sea.
Aniya na isa itong form of invasion sakaling manghuli sila ng ating mga mangingisda sa loob ng ating exclusive economic zone at maituturing na sila ang trespassers kung sakaling ganun ang mangyari.
Kaugnay nito ay naiintindihan aniya ang pangamba ng ating mga mangingisda gayong isang makapangyarihang bansa ang China. Dagdag na rito ang kanilang malalaking navy, coastguard at maritime militia.
Ngunit sa kabila nito aniya ay dapat nating iparating na hindi tayo pumapayag o hindi tayo tumitiklop sa ganyang klase ng pananakop.
Saad nito na marami ng violation ang China katulad sa ASEAN charter at iba pang mga international laws na kumikilala sa ating karapatan sa West Philippine Sea.
Samantala, ukol naman sa mga pagdinig sa kongreso hinggil dito ay dapat magkaroon ng batas na magbibigay ng legal framework sa mga pagkilos ng ating navy at coastguard maging ang ating hukbong sandatahan.