BOMBO DAGUPAN – Pasado na ang annual budget ng lungsod ng Dagupan na nagkakahalaga ng P1.385-bilyon matapos itong aprubahan ng Sangguniang Panlungsod sa isinagawang regular session.
Ito ay sa kabila ng pangamba na hindi ito maaaprubahan matapos ang nangyaring rollcall kung saan ay nagkaroon pa ng pag-uusap kaugnay sa naturang usapin.
Labis naman itong ikinatuwa ng mga konsehal kung saan ay maisasakatuparan na ang mga proyekto ng lokal na pamahalaan ng lungsod gaya na lamang ng P200-milyong pondo para sa 5,000 mahihirap na mga Dagupeñong estudyante; salary/allowance increase ng mga Job Order Employees, Barangay at Sangguniang Panlungsod Officers; Brgy. Nurse at Health Workers; Brgy. Librarian; mga Tanod; Day Care Workers; at Barangay Nutrition Scholars, at gayon na rin ang pagtataas ng sahod ng mga empleyado sa lungsod.
Maliban pa rito ay malaki rin ang maitutulong nito para sa flood mitigation projects , partikular na sa pagsasaayos ng mga kakalsadahan at drainage systems sa 31 mga barangay, ng kasalukuyang administrasyon. Gayon na rin sa paglalaan ng pondo para sa paghahanda sa mga kalamidad, pagtugon sa 60-taong krisis sa basura, pagsasaayos ng mga school building, pagpapabuti at padgaragdag ng social services kasama na ang ayuda, at iba’t iba pang mga proyekto.