DAGUPAN CTY- Isang hipokrito at pakunwari lamang umano ang National Economic and Development Authority sa kanilang pagtutok sa isyu ng mga manggagawa Pilipino sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jerome Adonis, Secretary General ng Kilusang Mayo Uno, nasaksihan mismo aniya ang pagtutol ng NEDA sa isinusulong na karagdagang taas-pasahod sa kamakailang hearing sa house of representative.
Sila pa aniya ang nangungunang manakot na ang taas-pasahod pa ang magdudulot ng lalong kahirapan, pagtaas ng presyo ng bilihin, at pag-alis ng mga negosyante sa bansa.
Isang senyales din umano ang nangyaring hearing na hindi na nagiging epektibo ang WBI upang unawain ang pangangailangan ng mga manggagawa.
Samantala, giit naman ni Adonis na dapat lamang tiyakin ng gobyerno ang mga trabaho para sa mamamayan lalo na’t bumababa muli ang employment rate ng bansa.
Ngunit nakalulungkot lamang umano ang naging solusyon ng gobyerno na patuloy magpapapasok ng mga foreign investor sa Pilipinas ngunit nagiging kapalit nito ang pananatiling mahirap na kalagayan ng mga manggagawa.
Kaysa umasa umano ang gobyerno sa foreign direct investment, mas kailangan ng bansa na magkaroon ng programa upang unti-unti maitayo ang ekonomiya.
Natural lamang magdadala ng trabaho ang nasabing investment ngunit malaking katanungan ang lilikhaing trabaho nito. Wala din kasiguraduhan ang pasaahod at regular na trabaho.
Binigyan diin ni Adonis na ang mga investor lamang ang makikinabang sa pinagpapaguran ng mga manggagawang Pilipino.
Sa kabilang dako, ipinawagan naman ni Adonis na kayang mapabuti ang kalagayan ng mga manggagawa nang hindi binabago ang konstitusyon sa ilalim ng Administrasyong Marcos Jr.