Isa umanong magandang panukala ang pagsasalin sa wikang Pilipino ng mga advisories o bulletin sa panahon ng kalamidad o anomang sakuna.

Ito ay alinsunod sa Senate Bill 1539 na inilunsad ni Senador Lito Lapid na layong gamitin ang lenggwaheng Pilipino sa bawat abiso mula sa gobyerno upang maihanda ang mamamayan at makatugon nang nararapat.

Ayon kay John Enrico C. Torralba, ang Chief Language Researcher ng Sangay ng Salin, ito ay mahalaga upang mas maunawaan ng mga Pilipino ang nais na ipakahulugan ng mga advisories na ito.

--Ads--

Sa pamamagitan nito, mababawasan ang pagkakaroon ng maling interpretasyon at ang mga naitatalang paglabag sa batas.

Karapatan din aniya ng mga mamamayan na magkaroopn ng seguridad at tungkulin ng pamahalaan na tiyaking nauunawaan ng mga ito ang bawat abisong kanilang inilalabas.

Kung babalikan aniya ang konstitusyon, isa sa mga opisyal na wika ng komunikasyon ng Pilipinas ay Filipino language kaya’t mahalaga aniya na ang mga batas at ordinansa ay orihinal na nakasulat sa Pilipino at saka lamang isalin sa wikang Ingles o kung sa anumang wika na tubong Pinoy kung kinakailangan.

Paraan din aniya ito upang tiyaking hindi malilimutan ng mga mamamayang Pilipino ang mga katutubong wika lalo pa at kadalasan sa mga kabataan ngayon ay mas lamang na ang kaalaman sa wikang banyaga.