Pinabulaanan ng Kilusang Mayo Uno ang lumabas sa isinagawang survey ng Robert Walters Global Salary Survey 2024 na nagsasabing isa sa dalawang Pilipino lamang ang naghahanap ng bagong trabaho.

Ayon kay Jerome Adonis, ang Secretary General ng Kilusang Mayo Uno, mukhang konserbatibo ang datos na ito.

Base naman aniya sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) kamakailan, aabot umano sa mahigit tatlong milyong piso ang mga Pilipinong walang trabaho.

--Ads--

Aniya, ang nagiging problema sa usaping pag-determina sa datos na ito ay ang pagdo-doktor ng PSA o pagkontrol sa bilang upang hindi lumabas ang katotohanan.

Ang ginagawa kasi aniya ng survey, hindi na nila isinasama ang mga Pilipinong isang taon nang naghahanap ng trabaho ngunit hindi pa rin makahanap at inilalagay na lamang ang mga ito sa kategorya ng ‘Not in a Labor Force.’

Dahil dito, lumiliit ang bilang na kanilang naisasama sa datos.

Maituturing aniyang pinakaugat kung bakit nahihirapan ang mga Pilipinong makahanap ng trabaho ay ang kawalan ng sariling industriya ng Pilipinas na kayang mag-absorb ng bagong labor force kundi umaasa lamang ang bansa sa bagong negosyo na pumapasok dito.

Dagdag nito, wala aniyang sariling ekonomiya ang bansa na maaaring magsilbing oportunidad para sa mga fresh graduates at maging sa mga matagal nang walang trabaho.

Sa haba aniya ng panahon na walang matinong programa ang gobyerno, paano malulutas ang suliraning ito gayong maging ang mga may propesyon gaya ng guro, nurses at iba pa, mas pinipiling magtrabaho bilang Call Center Agents.