Sinisiguro ng ilang mga meat vendors sa Dagupan City na ligtas kainin ang kanilang benta partikular ang karne ng manok sa kabila ng napapabalitang pagkalat ng sakit na bird flu.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa mga ilang nagtitinda ng manok sa bahagi ng Macador Public Market, araw araw naman umanong nag-iikot at naniniguro ang mga beterinaryo upang siguraduhing walang depekto ang mga karne ng manok.
Pagtitiyak pa nila na sa lalawigan lamang din ng Pangasinan ang kanilang pinagkukunan ng supply ng karne at istrikto naman umano ang lalawigan pagdating sa paglabas-pasok ng mga produkto.
Samantala, ayon kay Rosana Rosario, chicken vendor sa nasabing merkado, matumal pa ang kanilang bentahan sa ngayon at mag-iisang linggo na nang itinaas ng P12 ang presyo ng karne.
Dahil dito, nasa P170 hanggang P180 ang bawat isang kilong manok na dati ay P160 lamang.
Gayunpaman, hindi anila nagkakaroon ng iisang presyo dahil madalas magkaroon sa pagbabago depende sa supply.