Patuloy na nananawagan ang ilang pamunuan ng Tricycle Operators Driver Association (TODA)
dito sa lungsod ng Dagupan na maitaas ang pamasahe dahil sa patuloy na pagtaas ng produktong petrolyo at mga bilihin na problema ng ilang mga drivers.
Nasa ilang taon na ang petisyon ng mga TODA dahil nasa P10 ang minimun ng pamasahe sa tricycle ngunit noong nagpandemya ay nagbabayad na umano ang mga pasahero ng bente pesos kaya nakasanayan na nila ito ngunit ito ay hindi sapat sa mga tricycle drivers.
Ayon kay Jessie Galvan, ang Presidente ng Tricycle Alliance of Dagupan City kung saan may hawak ng ilang chapter ng TODA dito sa lungsod.
Matagal na aniya ang petisyon na maitaas ang pamasahe sa mga pampasaherong tricycle bago pa ang pandemya kaya inaasahan nila ito upang makatulong din sa mga drivers at pasahero para may pagbasehan ng kanilang magiging pasamahe.
Dagdag pa nito na itinaas na sa Sangguniang Bayan ang kanilang petisyon at pinag-aaralan na ito kung ano ang gagawing matrix ngunit panawagan nila na dapat mapabilis para sa kanilang nasasakupan.
Samantala ayon naman kay Joey Oberio, ang Vice President ng Pantal TODA Chapter, mahina umano ang kanilang kita at nakadagdag pa ang nararanasang traffic dahil sa patuloy na konstruksyon sa mga kakalsadahan.
Panawagan nito na kung mapagbibigyan sila na mapataas ang presyo ng pamasahe nila ay malaki ang maitutulong lalo na mataas ang mga bilihin at gasolina ngunit inaalala lamang nito ang posibilidad na umangal ang mga pasahero.
Sang-ayon din dito ang President ng Mayombo TODA Chapter na si Richard Siapno at naglahad din ng parehong sentimyento.