Arestado ng National Bureau of Investigation Alaminos City ang mag-live-in partner sa lungsod ng Alaminos, dito sa lalawigan ng Pangasinan dahil sa pagbebenta ng kanilang 3-weeks old na anak na lalaki.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Fabienne Matib, ang agent in charge ng National Bureau of Investigation Alaminos City District Office, sa kanilang ikinasang entrapment operation kamakailan sa isang restaurant sa Brgy. Palamis sa nasabing lungsod, nahuli ang mag-live in partner na kinilalang sina Reynante Reyes at Margie Ocampo.

Makikita sa amateur video sa isinagawa ng NBI kasama ng Department of Social Welfare and Development at ng Project Rescue Children ang aktuwal na pagkakadakip sa maglive-in partner na nagbebenta ng anak kasama pa ang isang anak nitong 2 taong gulang.

--Ads--

Dagdag pa ni Atty. Matib, napag-alaman nila ang naturang krimen nang magsumbong sa kanila ang Project Rescue Children na isang Non Government Organization noong Nov. 18 patungkol sa pagbebenta ng mga suspek ng bata gamit ang online platform.

Upang mahuli ang mga suspek, nagpanggap ang Project Rescue Children bilang buyer ng bata at Nobyembre 22 ng umaga, nagkasundo ang bawat panig na magkita at binili ang sanggol sa halagang P300,000.

Kakaharap naman sa mga kasong paglabag sa Sec. 4 ng RA 11862 at RA 7610 o ang Child Trafficking at child abuse ang mga suspek.

Sa kasalukuyan ay hinihintay pa ang resulta ng fiscal kung mabibigyan sila ng piyansa o maituturing na non-bailable dahil mismong anak nila ang kanilang ibinibenta.

Nasa pangangalaga naman na ng Department of Social Welfare and Development ang sanggol kasama ng isa pang bata na nasa edad 2 taong gulang na dala rin ng mga suspek sa meet up at kanila itong ipapangalaga sa Baguio City dahil doon ay may Shelter ang mga bata sa mga ganitong kaso.