Tinatayang nasa 98% na ang mga naiproklamang kandidato dito sa lalawigan.
Ayon kay Atty. Marino Salas, Provincial Election Officer sa probinsya, nasa 18 mga barangay na lang ang mga hindi pa nagdedeklara kung kaya’t kanila itong tinututukan nang sa gayon ay mas mapabilis ang isinasagawang proseso.
Kaugnay nito, naging payapa naman aniya ang isinagawang halalan kahapon dito sa lalawigan at walang naitalang mga anumang insidente.
Samantala, binigyang linaw naman ni Salas na kung mayroon mang mga nitatalang naging patas ang bilang ng kanilang boto, ay pag-uusapan ito ng dalawang partido katuwang ang mga opsiyal at dito titignan kung ano ang mas makakabuting gawin o paraan sa pagpili ng iloloklok na opisyal na dapat ay sang-ayunan ng dalawang partido.
TINIG NI ATTY. MARINO SALAS
Binigyang diin naman ni Salas na maganda ang isinagawa ng ilang bayan kung saan ay inalis na ang mga flyers, tarpaulin o anumang campaign materials bago pa man ang mismong araw ng halalan.
Aniya dapat nang tanggalin ang mga ito sa loob ng 5 araw ayon sa panukala ng pamahalaan.
Payo naman nito sa mga natalo, tanggapin at irespeto ang naging resulta ng election nang sa gayon ay mapanatili ang kapayapaan at kaayusan.
Mensahe naman nito sa mga nanalo, nawa’y maging totoo ang mga ito sa kanilang mga ipinangako noong araw ng eleksyon, at gawin ang kanilang mga nasabing platapornma para sa kapakanan ng kanilang mga nasasakupan.