Impluwensya ng alak.

Ito ang itinuturong posibleng sanhi ng pagkalunod kamakailan ng isang foreigner sa Tondol white sand beach sa bayan ng Anda sa lalawigan ng Pangasinan na kinilalang si Lawrence Quinsela, 75 years old, byudo, na isang retired builder at Irish national.

Ayon kay Police Staff Sergeant Maximiano Untalan Jr., ang imbestigador ng Anda Police Station, nagkayayaan umanong magtungo sa naturang baybayin si Quinsela at ang kaniyang kaibigang si Alcioni Garcia, 77 years old at bago umano ito sumulong ay uminom muna ito ng kaunting alak.

--Ads--

Base aniya sa naging testimonya ni Garcia, inakala nilang naliligo lamang ito sa malayong parte ng baybayin ngunit kalaunan ay nadiskubre ng mga taong naliligo sa mga oras na iyon na lumulutang na ang katawan nito.

Tubong London si Quinsela at pansamantalang nakatira sa Nueva Ecija at dumating siya sa bansa noong Mayo 31 para lamang sana magbakasyon.

Sa kasalukuyan ay ipinagbigay alam na aniya ng kaibigan ng biktima sa kaniyang pamilya sa London ang nangyari at ang utos ng anak nito ay huwag munang gagalawin ang bangkay ng kaniyang ama at inalagay muna sa freezer.